“Sa awa ng Diyos, kaming mag-asawa, kahit ito lang ang aming trabaho ay napag-tapos namin ang aming mga anak.”
Buong pagmamalaking ikwinento ni Leoniza Perez ang katuparan ng kaniyang mga pangarap na mapagtapos ang kanyang apat na anak. Sa tulong ng TSPI, siya na ngayon ay umaani mula sa mga negosyong kaniyang sinimulan na naging kaagapay ng kanilang pamilya.
Si Nanay Leoniza, 59 na taong gulang mula sa Nasugbu, Batangas ay isang active member ng TSPI simula 1993. Nagsimula siya sa pagnenegosyo sa isang munting sari-sari store.
Dahil sa kagustuhan niyang mapalaki pa ang kaniyang tindahan, namuhunan siya sa TSPI ng P5,000, sa ilalim ng TKP Program ng organisasyon.
Bukod pa rito, siya rin ay nakapagpatayo ng kanilang sariling karenderya. Noong una, sila lamang ng kaniyang asawa ang nag-aasikaso nito. Naaalala niya pa na noon, halos inaabot sila ng madaling araw dahil sa kalakasan nito. Hindi inda ni Nanay Leoniza ang pagod at puyat para sa kaniyang mga anak na kinaumagahan ay magsisipag-pasok sa paaralan.
“Habang ang mga anak ko ay nag-aaral, sige ang pag bu-business ko,” aniya.
Kung mayroon mang naging inspirasyon si Nanay Leoniza sa kaniyang pag nenegosyo, ito ang mapagtapos ang kaniyang apat na anak. Sa pamamagitan ng TSPI Educational Loan Assistance Program (ELAP), naging kaagapay niya ang organisasyon sa pag-papaaral lalo na’t pag dumarating na ang bayaran ng tuition fee.
Ang ELAP ay isa sa mga social loan program ng TSPI kung saan maaaring kumuha ng puhunan ang mga kliyente para sa mga gastusing pang-paaralan ng kanilang mga anak na mula pre-elementary hanggang post-gradudate levels.
Nagkaroon ng katuparan ang kaniyang pangarap at bunga ng kaniyang pagsusumikap dahil ngayon, siya ay mayroon nang HRM graduate, store supervisor, Certified Public Accountant, at isang architect.
Bilang isang ina, ang mga pangarap ni Nanay Leoniza para sa kaniyang mga anak ay natupad na. Kung mayroon man siyang hihilingin pa, ito ay ang makitang masaya at nasa magandang kalagayan ang kaniyang pamilya.